Sa panahon natin ngayon, ang pagtingin sa mga kababaihan ay masasabing umunlad na. Ito ay dahil sa napatunayan na natin na kung ano ang kayang gawin ng mga kalalakihan ay siya rin kaya nating gawin. Ito rin ay dahil sa pangunguna ng mga kababaihan sa iba't- ibang larangan. Ngunit hindi pa rin maiaalis na may natitira pa ring mababang pagtingin sa ating mga kababaihan. Tila yata ganito na lamang ang palaging magiging sitwasyon ng mga kababaihan: Mahina, walang kibo, at patuloy na lamang na susunod at maghihintay na akayin ng mga kalalakihan. Tila ang ganitong sitwasyon ay patuloy na iiral sa paglipas ng panahon. May pag-asa pa nga bang magkaroon ng talagang pagkakapantay-pantay ang kababaihan sa kalalakihan? Matatamo nga bang tunay ng kababaihan ang kalayaang matagal nang inaasam-asam?
Katulad nga nang sinasabi ni Inang Laya sa kanyang awitin, mayroong mga kababaihan na hindi kayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa kaapihang dinaranas nila. Tulad na lamang ng mga OFW na dumaranas ng pagmamaltrato at pagmamalupit ng kanilang mga amo. Sila ay sinasaktan, hindi pinapasahod, at ang masaklap pa minsan ay ginagahasa. Tinitiis nila ang lahat ng ito para lang mayroong maipadalang pera sa kanilang pamilya sa Pilipinas. Ang mga ilaw ng tahanan na nagpapakamartir sa kanilang mga asawa at tinitiis ang pananakit ng mga ito sa kanila huwag lang mangyari na mawasak ang binuong pamilya. Mayroon silang kakayahang lumaban ngunit pinipili nilang maging mahina sapagkat natatakot sila sa maaaring kahinatnan nang gagawin nilang paglaban.
Sinasabi rin sa awitin na mayroong mga kababaihan na ang tanging pag-asa ay ang kalalakihan na sa tunay na buhay ay hindi nawawala. Hindi maiwan-iwan ang sakim na kinakasama o asawa sapagkat natatakot na harapin ang buhay ng mag-isa.
Sinasabi rin sa kanta na ang tanging gampanin ng mga kababaihan ay libangan ng mga kalalakihan at tanging pangkama lamang. Paano ba namang hindi ito masasabi kung ang karamihan sa mga kababaihan ay pagbubugaw ang hanapbuhay? Sa katunayan, maraming kababaihan sa mundo, partikular sa mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas, ang ikinabubuhay ay ang pagsayaw sa mga bahay-aliwan. Ang masaklap pa dito, karamihan sa mga ito ay pawang mga menor de edad. Pumapayag sila na pagsayawin ng walang saplot at minsan pa ay sumiping sa mga parokyano para lamang kumita ng pera. Nasisikmura nilang gawin ang bagay na ito sapagkat hindi naman sila nakapagtapos ng pag-aaral at dahil din sa hirap ng buhay. Kumakapit sila sa patalim mairaos lang ang pang-araw-araw nilang pamumuhay.
Sa kabila ng mga negatibong pagtingin na ito sa kababaihan, mayroon pa ring positibong bagay na nanaig laban sa mga ito. Ito ay ang pagkakaroon ng mga kababaihan na hindi natakot na ipaglaban ang kanilang karapatan. Tulad na lamang nina Gabriela, Teresa, at Tandang Sora na binanggit sa awitin. Sila ay hindi umasa sa luha't awa bagkus ay nagsipaghawak ng sandata upang labanan ang kaapihan at kalupitan nang makamit ang kalayaan. Mayroon ding mga Lisa, Liliosa, at Lorena na hindi natakot na makibaka. Hindi sila kaagad sumuko sa laban. Ipinaglaban nilang lahat ang kanilang mga karapatan.
Iisa lamang ang nais na ipahatid ng awitin. Ito ay ang lubusang paglaya ng mga kababaihan sa mababang pagtingin, maling pagtrato at buksan ang isipan ng lipunan na ang babae ay hindi mahina bagkus mapagkumbaba at kayang lumaban nang tama; hindi pangkama bagkus panlaban sa lahat ng larangan; at higit sa lahat, hindi libangan bagkus kayamanan na dapat inaalagaan at iniingatan.