Biyernes, Disyembre 30, 2011

Lihim na Sikreto

      Sabi nila, lahat daw ng tao ay may sikreto. Lahat daw ay may itinatago. Maaaring tungkol sa sarili, sa katauhan, sa pamilya, sa barkada, sa kaibigan o kahit saan pa man. Basta meron at meron pa rin siyang natatagong lihim. Sabi rin nila lahat daw ng sikreto/lihim ay nabubunyag. Kahit gaano ito katagal na itinatago at kahit gaano pa ito kagaling na naitago, lalabas at lalabas pa rin daw ang katotohanan sa huli.
     Dapat siguro akong maniwala sa mga sabi-sabi na ito. Sa totoo lang mayroon akong dalawang sikreto na pilit na itinatago hanggang sa kasalukuyan. 'Yung una, nagsimula noong nasa unang taon pa lang ako ng hayskul. Hindi ko ito masabi-sabi sa aking magulang sa kadahilanang natatakot ako sa magiging reaksyon nila lalo na't napakatagal na panahon na ang lumipas bago ko pa man naisipang aminin sa kanila. Isa pa, natatakot din akong harapin ito dahil na rin sa tagal na panahon na kinimkim ko lang sa aking sarili. Humahanap din ako ng tamang pagkakataon upang masabi sa kanila lalo na't maaaring maapektuhan nito ang aking pag-aaral. Ayoko kasing huminto sa pag-aaral kung sakali.
      'Yung ikalawa naman, hindi ko alam kung papaano ko ipaliliwanag. Maging ako man ay sobrang naguguluhan kung anong nangyayari sa aking sarili. Hindi ko maintindihan kung bakit may pagkakataon na  nararamdaman ko na parang may mali sa akin. Hindi ko maintindihan kung bakit minsan may nararamdaman ako na hindi ko naman dapat maramdaman. Parang pakiramdam ko may mali sa akin; sa ugali, kilos, at katauhan. Hindi ko alam kung paano ko ito masosolusyunan. Hindi ko alam kung paano ko makukuha ang sagot sa bawat katanungan. Sa ngayon, ang alam ko lang ay gulung-gulo at litung-lito ako kung sino at ano ba talaga ako. Pakiramdam ko tuloy hindi ko kilala 'yung sarili ko.
      Isang malaking 'question mark' ang bumabalot sa katauhan ko ngayon. Naghihintay na makakita ng kasagutan nang mailabas ang tunay na ako. Siguro sa mga panahong ito, hindi ko pa kayang isiwalat ang mga natatago kong lihim. Kailangan ko pang mag-ipon ng lakas ng loob nang sa gayon ay makakaya ko nang harapin ang mga ito. Gusto ko na rin kasing mabuhay ng walang kahit na anumang itinatago, lalo na sa pamilya ko. Gusto kong harapin ang buhay sa pamamagitan ng tunay na ako.
      Siguro, ganoon talaga ang buhay. Hindi mo matatakasan ang pilit mong tinatakasan. Hindi mo ito matatakbuhan. Ang tanging paraan upang ito ay iyong malagpasan ay ang harapin ito ng may tapang at paninindigan. Kailangan mo itong gawin kung ang nais mo ay mabuhay ng payapa ang kalooban sa kasalukuyan at maging matagumpay sa hinaharap. Kailangan maging totoo ka sa iyong sarili. Hindi kasi maganda kung pati sa sarili mo ay may itinatago kang lihim na sikreto..
      Sya nga pala, huwag kang maingay. Sikreto lang natin 'to..

Sounds Lazy, huh.

          Ang pinakanakakainis na karanasan na nangyari sa akin  ngayong Christmas vacation ay iyong walang magawa sa bahay. Talaga namang napakaboring at nakakainip! Noong unang mga araw medyo may nagagawa pa ako eh. Pero nang lumipas ang isang linggo, paulit-ulit na lang 'yung ginagawa ko bawat araw. Nakabisado at nagawan ko na nga nang sequence 'yung bawat activities na gagawin ko sa buong isang araw ko: Gising, nood ng tv., kain, ligo, tunganga, kain, nood ng tv., kinig sa radyo, at tulog. 'Yan ang nilalaman ng buong isang araw ko. Wala akong magawa kundi ang manood ng tv at kumain sa buong araw. Hindi naman kasi ako makahanap ng oras para sa paggawa ng iba pang bagay. Busy kasi sa mga nakagawian nang gawin tulad ng ilang mga gawaing bahay tsaka mga utos ng aking mahal na magulang. Pero bukod dito wala talaga akong ginagawa kundi ang tumunganga at mag-isip kung ano ang maaaring gawin ko. Isa rin sa mga nangungunang dahilan kaya wala akong magawa ay dahil sa madalas ay pinangungunahan ako ng katamaran. Maging ang paglabas sa aming bahay at paggala ay madalas kinatatamaran kong gawin. Ganyan ako kabait. :)
          At dahil nga sa madalas kong pagtunganga at panonood ng tv, dumating ang araw na napansin ito ng aking mahal na ama kaya naman daan-daang sermon ang aking natanggap, idagdag pa ang sermon ng aking mahal na ina, talaga namang sandamakmak na sermon ang narinig ng aking magkabilang tenga. Buti na lang at malapit na ang pasko kaya kinabukasan tila nakalimutan na nila 'yung galit nila sa akin.
          Sa tingin ko 'yung aking Christmas vacation na ata ang pinakaboring sa lahat. Pero na-realize ko na kahit ganoon ka-boring at nakakainip, naging masaya pa rin ang naging bakasyon ko. Ito ay dahil sa kasama ko ang aking pamilya sa isa sa mga pinakamahalagang pagdiriwang sa ating buhay. At dahil sa bagay na iyon, masayang-masaya ako..