Martes, Pebrero 21, 2012

Tilapia Al Ajillo :P


     Ito 'yung recently lang naming niluto.. Nahirapan lang kami sa pagfifillet nung tilapia kasi first time.. Pero madali lang siyang lutuin unlike nung iba.. Piprituhin lang naman kasi lahat nung ingredients.. Pagka-prito, pigaan mo lang ng lemon juice, kumpleto na.. Pangalan pa lang, nakakatakam na, ano pa kaya kung titikman na.. Actually, first time kong matikman 'yung dish na ito and nagustuhan ko 'yung lasa.. 'Yung bitterness nung fried garlic ay binabalanse nung mushroom.. Tapos nagcocomplement pa dun sa tilapia.. Samahan pa nung sourness nung lemon juice.. Perfect!!!

Lemongrass Skewers (Ihawan time? :D)


     Grabe. As in grabe 'yung paghihirap namin sa paggawa nitong dish na ito.. Sa pagcocombine pa lang nung mga ingredients, ubos na kaagad 'yung energy namin.. Hindi kasi namin masakto 'yung timpla nung pinaka-mixture nung skewer.. Bawat tikim, dagdag ng kulang.. Hindi namin malaman kung ano 'yung missing ingredient.. Nakailan din kaming trial and error nun.. Hanggang sa natuklasan na namin kung ano 'yung kulang na sangkap.. Akala namin tapos na, magiging ayos na 'yung mga susunod na pangyayari, 'yun pala may kasunod pa! At mas grabe! Pati sa pagluluto pinahirapan kami.. Dahil nga sa term na "skewer" malamang ay iihawin 'yung pagkain.. Dahil sa hindi inaasahang mga pangyayari, nauwi kami sa pagpiprito.. Sa kabila ng mga paghihirap naming ito, maganda pa rin ang kinalabasan ng niluto namin :).. Natapos namin nang para bang walang kahirap-hirap.. Nahirapan lang siguro kami dahil hindi kami ganoong kahanda.. Kahit ganoon 'yung nangyari, lulutuin ko ulit ito kapag may pagkakataon.. Lemongrass skewers plus sweet and chili sauce equals yumminess!!! :D

OKOY--OKAY ^_^


     Okoy--Pinaka-una sa mga niluto namin sa FS. Akala ko nga napakadaling gawain, kasi hahaluin lang yung mga sangkap tapos ipiprito lang.. Kaya lang nung inuumpisahan na namin, doon ko lang nalaman na hindi rin pala biro 'yung paggawa nun..





     Una muna naming pinaghalu-halo 'yung mga sangkap para sa batter: flour, cornstarch, salt, white pepper, egg, and water. Pagkatapos, hinalo na rin namin 'yung bean sprouts o togue..




     Matapos paghalu-haluin ang lahat ng mga sangkap, isinalang na namin ito sa mainit na mantika at saka ipinirito.. Habang piniprito, unti-unti naming inilalagay sa ibabaw 'yung mga hipon..




     Nang matapos prituhin at lagyan ng garnish, eto na ang kinalabasan ng aming niluto.. Sa tinagal-tagal ng paggawa namin nung batter, sa wakas at natapos din kami.. Worth it naman 'yung napakatagal naming paggawa kasi ang sarap nung niluto namin.. Crispy, healthy, and affordable! Bon Appetit!!! ^_^

Martes, Enero 3, 2012

Babae, Ganap ba ang Kalayaan???

          Sa panahon natin ngayon, ang pagtingin sa mga kababaihan ay masasabing umunlad  na. Ito ay dahil sa napatunayan na natin na kung ano ang kayang gawin ng mga kalalakihan ay siya rin kaya nating gawin. Ito rin ay dahil sa pangunguna ng mga kababaihan sa iba't- ibang larangan. Ngunit hindi pa rin maiaalis na may natitira pa ring mababang pagtingin sa ating mga kababaihan. Tila yata ganito na lamang ang palaging magiging sitwasyon ng mga kababaihan: Mahina, walang kibo, at patuloy na lamang na susunod at maghihintay na akayin ng mga kalalakihan. Tila ang ganitong sitwasyon ay patuloy na iiral sa paglipas ng panahon. May pag-asa pa nga bang magkaroon ng talagang pagkakapantay-pantay ang kababaihan sa kalalakihan? Matatamo nga bang tunay ng kababaihan ang kalayaang matagal nang inaasam-asam?
            Katulad nga nang sinasabi ni Inang Laya sa kanyang awitin, mayroong mga kababaihan na hindi kayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa kaapihang dinaranas nila. Tulad na lamang ng mga OFW na dumaranas ng pagmamaltrato at pagmamalupit ng kanilang mga amo. Sila ay sinasaktan, hindi pinapasahod, at ang masaklap pa  minsan ay ginagahasa. Tinitiis nila ang lahat ng ito para lang mayroong maipadalang pera sa kanilang pamilya sa Pilipinas. Ang mga ilaw ng tahanan na nagpapakamartir sa kanilang mga asawa at tinitiis ang pananakit ng mga ito sa kanila huwag lang mangyari na mawasak ang binuong pamilya. Mayroon silang kakayahang lumaban ngunit pinipili nilang maging mahina sapagkat natatakot sila sa maaaring kahinatnan nang gagawin nilang paglaban. 
                Sinasabi rin sa awitin na mayroong mga kababaihan na ang tanging pag-asa ay ang kalalakihan na sa tunay na buhay ay hindi nawawala. Hindi maiwan-iwan ang sakim na kinakasama o asawa sapagkat natatakot na harapin ang buhay ng mag-isa.
               Sinasabi rin sa kanta na ang tanging gampanin ng mga kababaihan ay libangan ng mga kalalakihan at tanging pangkama lamang. Paano ba namang hindi ito masasabi kung ang karamihan sa mga kababaihan ay pagbubugaw ang hanapbuhay? Sa katunayan, maraming kababaihan sa mundo, partikular sa mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas, ang ikinabubuhay ay ang pagsayaw sa mga bahay-aliwan. Ang masaklap pa dito, karamihan sa mga ito ay pawang mga menor de edad. Pumapayag sila na pagsayawin ng walang saplot at minsan pa ay sumiping sa mga parokyano para lamang kumita ng pera. Nasisikmura nilang gawin ang bagay na ito sapagkat hindi naman sila nakapagtapos ng pag-aaral at dahil din sa hirap ng buhay. Kumakapit sila sa patalim mairaos lang ang pang-araw-araw nilang pamumuhay.
            Sa kabila ng mga negatibong pagtingin na ito sa kababaihan, mayroon pa ring positibong bagay na nanaig laban sa mga ito. Ito ay ang pagkakaroon ng mga kababaihan na hindi natakot na ipaglaban ang kanilang karapatan. Tulad na lamang nina Gabriela, Teresa, at Tandang Sora na binanggit sa awitin. Sila ay hindi umasa sa luha't awa bagkus ay nagsipaghawak ng sandata upang labanan ang kaapihan at kalupitan nang makamit ang kalayaan. Mayroon ding mga Lisa, Liliosa, at Lorena na hindi natakot na makibaka. Hindi sila kaagad sumuko sa laban. Ipinaglaban nilang lahat ang kanilang mga karapatan.
               Iisa lamang ang nais na ipahatid ng awitin. Ito ay ang lubusang paglaya ng mga kababaihan sa mababang pagtingin, maling pagtrato at buksan ang isipan ng lipunan na ang babae ay hindi mahina bagkus mapagkumbaba at kayang lumaban nang tama; hindi pangkama bagkus panlaban sa lahat ng larangan; at higit sa lahat, hindi libangan bagkus kayamanan na dapat inaalagaan at iniingatan.

Biyernes, Disyembre 30, 2011

Lihim na Sikreto

      Sabi nila, lahat daw ng tao ay may sikreto. Lahat daw ay may itinatago. Maaaring tungkol sa sarili, sa katauhan, sa pamilya, sa barkada, sa kaibigan o kahit saan pa man. Basta meron at meron pa rin siyang natatagong lihim. Sabi rin nila lahat daw ng sikreto/lihim ay nabubunyag. Kahit gaano ito katagal na itinatago at kahit gaano pa ito kagaling na naitago, lalabas at lalabas pa rin daw ang katotohanan sa huli.
     Dapat siguro akong maniwala sa mga sabi-sabi na ito. Sa totoo lang mayroon akong dalawang sikreto na pilit na itinatago hanggang sa kasalukuyan. 'Yung una, nagsimula noong nasa unang taon pa lang ako ng hayskul. Hindi ko ito masabi-sabi sa aking magulang sa kadahilanang natatakot ako sa magiging reaksyon nila lalo na't napakatagal na panahon na ang lumipas bago ko pa man naisipang aminin sa kanila. Isa pa, natatakot din akong harapin ito dahil na rin sa tagal na panahon na kinimkim ko lang sa aking sarili. Humahanap din ako ng tamang pagkakataon upang masabi sa kanila lalo na't maaaring maapektuhan nito ang aking pag-aaral. Ayoko kasing huminto sa pag-aaral kung sakali.
      'Yung ikalawa naman, hindi ko alam kung papaano ko ipaliliwanag. Maging ako man ay sobrang naguguluhan kung anong nangyayari sa aking sarili. Hindi ko maintindihan kung bakit may pagkakataon na  nararamdaman ko na parang may mali sa akin. Hindi ko maintindihan kung bakit minsan may nararamdaman ako na hindi ko naman dapat maramdaman. Parang pakiramdam ko may mali sa akin; sa ugali, kilos, at katauhan. Hindi ko alam kung paano ko ito masosolusyunan. Hindi ko alam kung paano ko makukuha ang sagot sa bawat katanungan. Sa ngayon, ang alam ko lang ay gulung-gulo at litung-lito ako kung sino at ano ba talaga ako. Pakiramdam ko tuloy hindi ko kilala 'yung sarili ko.
      Isang malaking 'question mark' ang bumabalot sa katauhan ko ngayon. Naghihintay na makakita ng kasagutan nang mailabas ang tunay na ako. Siguro sa mga panahong ito, hindi ko pa kayang isiwalat ang mga natatago kong lihim. Kailangan ko pang mag-ipon ng lakas ng loob nang sa gayon ay makakaya ko nang harapin ang mga ito. Gusto ko na rin kasing mabuhay ng walang kahit na anumang itinatago, lalo na sa pamilya ko. Gusto kong harapin ang buhay sa pamamagitan ng tunay na ako.
      Siguro, ganoon talaga ang buhay. Hindi mo matatakasan ang pilit mong tinatakasan. Hindi mo ito matatakbuhan. Ang tanging paraan upang ito ay iyong malagpasan ay ang harapin ito ng may tapang at paninindigan. Kailangan mo itong gawin kung ang nais mo ay mabuhay ng payapa ang kalooban sa kasalukuyan at maging matagumpay sa hinaharap. Kailangan maging totoo ka sa iyong sarili. Hindi kasi maganda kung pati sa sarili mo ay may itinatago kang lihim na sikreto..
      Sya nga pala, huwag kang maingay. Sikreto lang natin 'to..

Sounds Lazy, huh.

          Ang pinakanakakainis na karanasan na nangyari sa akin  ngayong Christmas vacation ay iyong walang magawa sa bahay. Talaga namang napakaboring at nakakainip! Noong unang mga araw medyo may nagagawa pa ako eh. Pero nang lumipas ang isang linggo, paulit-ulit na lang 'yung ginagawa ko bawat araw. Nakabisado at nagawan ko na nga nang sequence 'yung bawat activities na gagawin ko sa buong isang araw ko: Gising, nood ng tv., kain, ligo, tunganga, kain, nood ng tv., kinig sa radyo, at tulog. 'Yan ang nilalaman ng buong isang araw ko. Wala akong magawa kundi ang manood ng tv at kumain sa buong araw. Hindi naman kasi ako makahanap ng oras para sa paggawa ng iba pang bagay. Busy kasi sa mga nakagawian nang gawin tulad ng ilang mga gawaing bahay tsaka mga utos ng aking mahal na magulang. Pero bukod dito wala talaga akong ginagawa kundi ang tumunganga at mag-isip kung ano ang maaaring gawin ko. Isa rin sa mga nangungunang dahilan kaya wala akong magawa ay dahil sa madalas ay pinangungunahan ako ng katamaran. Maging ang paglabas sa aming bahay at paggala ay madalas kinatatamaran kong gawin. Ganyan ako kabait. :)
          At dahil nga sa madalas kong pagtunganga at panonood ng tv, dumating ang araw na napansin ito ng aking mahal na ama kaya naman daan-daang sermon ang aking natanggap, idagdag pa ang sermon ng aking mahal na ina, talaga namang sandamakmak na sermon ang narinig ng aking magkabilang tenga. Buti na lang at malapit na ang pasko kaya kinabukasan tila nakalimutan na nila 'yung galit nila sa akin.
          Sa tingin ko 'yung aking Christmas vacation na ata ang pinakaboring sa lahat. Pero na-realize ko na kahit ganoon ka-boring at nakakainip, naging masaya pa rin ang naging bakasyon ko. Ito ay dahil sa kasama ko ang aking pamilya sa isa sa mga pinakamahalagang pagdiriwang sa ating buhay. At dahil sa bagay na iyon, masayang-masaya ako..